Monday, April 30, 2012

Akdain: Ang Ikalimang Balahibo ni Anopiles

Episode 1: Ang Kahariang Edessa

Ayon sa isang kasaysayan, may isang kahariang di umano'y nakalitaw sa baybaying napakalayo. Ito ay ang Edessa na pinamumunuan ni Haring Balkan at ng kanyang asawang si Amparo. Masagana ito dahil sa matalino at mapagkumbabang pamumuno ni Haring Balkan at magaling na pagpapayo ng kaniyang kabiyak, si Reyna Amparo. Si Reyna Amparo ay isang mapaglihim ngunit busilak na nilalang. Walang kasing ganda ang reyna, malumanay ang pagsasalita at kakaiba sa lahat ng reyna. May kakaiba kasi itong pulseras na gawa sa itim na perlas at sa gitna nito ay may bughaw, dilaw, puti, kahel at lilang balahibo. Napakaganda ng kaniyang pulseras. Lahat ay umaasang magkaroon ng ganito.

Kasama ng reyna ay ang apat na Ay' Dhar. Ang mga Ay' Dhar ay ang mga misteryosong nilalang na kaanyo ng mga tao. Mahaba lamang ng kakaunti ang kanilang taynga at ay pakpak sila. Mahahaba ang kanilang buhok at mapuputi ang kanilang balat. Hindi sila nakikita ng mga tao sapagkat mga engkanto silang bumubuo sa limang balahibo.

Ang mga anak ni Amparo at ni Balkan ay sina Bagari, Ilina at Juan Pablo. Ang kaniyang mga anak ay katawang-tao, ngunit may kakaiba silang mga kapangyarihan na hindi kayang gawin ng kaniyang ama. Namana niya ito kay Amparo, na pinuno ng limang balahibo. Si Bagari ay may kakayahang mag anyong-sirena at amuhin ang pwersang dagat, si Juan Pablo ay may kakayahang pumalit ng anyo at amuhin ang pwersang lupa at si Ilina ay may kapangyarihan ng dakilang musika. Kahit kailan ay inililihim nila ang mga bagay na ito sa kanilang ama. Ito ay dahil oras na malaman nila ito, ipababawi nila ang kapangyarihan sa mangkukulam ng Pulangi, ang nag-iisang kapatid ng hari.

Iisa lang ang paborito ni Amparo sa kaniyang anak: si Ilina, ang prinsesa ng dakilang musika. Ito ay dahil sa maamong mukhang namana nito sa kaniya at ang ganda ng kaniyang tinig.

"Alam mo anak, naaalala ko ang sarili ko sa iyo. Sa tamang panahon ay malalaman mo ang galing ng kapangyarihang ibiniyaya ng Diyos sa iyo," wika ni Amparo kay Ilina.

"Ang kapangyarihan ko lang ay kumanta. Ang iba kong kapatid ay nagiging sirena, nag-aanyo sa gusto nila, ngunit ako ay hamak na kantang pampalambot ng puso at magpabighani ng puso ng iba. Paano ko maipagtatanggol ang aking sarili upang lumaban? Paano, mahal na ina?" wika ni Ilina.

Hinaplos na lang ito ni Amparo sa kaniyang buhok at niyapos. Nakaramdam ng pagmamahal si Ilina at panandaliang lumipas ang pandududa sa kaniyang kapangyarihan. Para sa kaniya, ang pinakaimportanteng bagay ay ang kaniyang pamilya. Kahit pa isuko niya ang kaniyang kapangyarihan, basta lamang sa pamilya, ay gagawin niya.

0 comments:

Post a Comment