Friday, May 4, 2012

Akdain: Ang Ikalimang Balahibo ni Anopiles

Episode 2: Ang tampuhang magkapatid

Si Ilina na lang lagi ang pinapansin ng kanilang ina at napansin ito ni Bagari. Isang mainggitin ngunit matapang na anak si Bagari. Tulad siya ng alon, madaling madala sa nangyayari. Hindi niya napipigilan ang kaniyang sarili at naniniwala siyang lahat ng gawain ay nagagawa niya.

Sa sobrang pagkainggit niya kay Ilina ay tinawag niya si Juan Pablo.

"Juan Pablo, pagtulungan natin ang ating kapatid. Kuhanin natin ang kaniyang kuwintas na bato. Sa ganitong paraan, mawawalan siya ng kapangyarihan," wika ni Bagari.

"Mahal kong kapatid, hindi ko kayang saktan si Ilina. Kung gagawin mo ito, sa tingin mo ba ay mababawi mo sa kaniya ang natatanging pagmamahal ni Inang Amparo sa kaniya?" wika ni Juan Pablo.

"Ang kapangyarihan lang naman niya ang tanging nagpapatangi sa kaniyang pagkatao. Kung mawawala kay Ilina ang kaniyang natatanging kapangyarihan, wala na siyang silbi. Ikaw rin ang saksi at isa sa mga taong hindi pinapansin ni Inang Amparo. Papayag ka ba roon?" wika ni Bagari.

"Kahit ano pa man ang sabihin mo, ay hindi ko susundin ang inggit sa puso ko. Maaaring hindi niya tayo masyadong pinagtutuunan ng pansin, ngunit mahal niya tayo. Bubuhayin ka ba niya sa mundo kung hindi ka niya mahal? Walang patutunguhan ang mga bagay na ito. Tigilan mo na si Ilina. Isa lamang siyang babae. Huwag mo na siyang patulan," pinairal ni Juan Pablo ang kaniyang pananalig sa Diyos at ang konsensyang bumubulong sa kaniya.

"Maaaring babae lamang siya kaya pinagtutuunan siya ng pansin ng kaniyang ina. Bakit, ikaw naman ang kadalasang pinapansin ni Itay. Isa lamang iyong pag-aalala na batay sa kasarian. Ano ba ang gusto mo, silang dalawa ay nakatuon sa iyo? Hindi naman maaari iyon," dinugtungan niya ito.

"Oo, at posible iyon," wika ni Bagari. "Balang araw ay mamamatay ang ama dahil sa isang malubhang sakit. Matitira si Inang Amparo at siguradong si Ilina ang pipiliin nito. Ayaw kong mangyari iyon. Ako lang ang magiging hari sa talino at lakas ko," wika ni Bagari.

"Mag-isip-isip ka naman mahal kong kapatid. Kung wala ka na talagang konsensya, wala ka nang awa. Kapatid din natin siya. Kung ano namang nakukuha niya ay nakukuha rin natin. Huwag ka nang magpabalot sa kasamaan," wika ni Juan Pablo.

"Bahala ka nga. Sasanib ka ba sa akin o hindi?" wika ni Bagari.

"Kahit kailan, hindi. Hindi ako sasanib sa kasamaan mo. Walang sasanib sa iyo kung hindi ang mga alagad lamang ng kasakiman. Wala ka nang konsensya," wika ni Juan Pablo at nagmadaling lumabas sa kuwarto ng kaniyang kapatid sa sobrang galit.

Pinuntahan niya agad ang kaniyang kapatid na si Ilina.

"Ilina, may masama akong balita," wika ni Juan Pablo.

"Ano iyon mahal kong kapatid?" wika ni Ilina na may pangamba.

"Si Juan Pablo. Pinagpaplanuhan ka niya na kunin ang iyong kuwintas na bato. Itago mo ito sa lugar kung saan ay hindi niya ito makikita. Bilisan mo at baka masaksihan pa niya ang pagtago mo nito. Bilisan mo na mahal na kapatid," minadali niyang sinabi kay Ilina nang sa gayon ay maitago na niya ito.

"Sige, mahal kong kapatid. Salamat na rin sa babala mo. Maraming salamat sa iyo," wika ni Ilina.

Naghahanap na si Ilina ng lugar na mapagtataguan ng kaniyang kuwintas. Samantala, hindi pala ito ang plano ni Bagari. Iyon lamang ay unang plano.

"Ayaw mo palang sumanib sa akin, Juan Pablo. Kukunin ko na lang ang kuwintas na bato mo. Sa huli, Ilina, ikaw pa rin ang matatalo. Tatandaan mo iyan," wika ni Bagari habang kinukuha niya ang kuwintas na bato ni Juan Pablo.

Umalis agad si Juan Pablo sa pamamagitan ng pagsasatubig. Dumaan siya sa lagusan papuntang kuwarto ni Ilina. Habang natutulog ito ay lumitaw si Bagari sa kaniyang kuwarto. Inilagay niya ang kuwintas sa sisidlan ni Ilina. Pinrotektahan niya ito sa pamamagitan ng pagtawag sa puwersang dagat. Pinalitaw niya sa kaniyang kamay ang labindalawang alupihang dagat upang bantayan ang kuwintas na bato ni Juan Pablo.

Umalis na agad si Bagari at pumunta sa kaniyang silid. Natulog na ito at iniintay na lang niya ang maaaring mangyari sa kaniyang kapatid.

Kinabukasan ay nagwawala si Juan Pablo sapagkat nawala ang kaniyang kuwintas. Kinalma ito ng kaniyang ina at pinatawag ang kaniyang dalawang kapatid.

"Bakit kapatid," wika ni Ilina.

"Nawawala ang kaniyang kuwintas, Ilina. Kailangan mahanap ang salarin. Basta't wala akong alam sa bagay na iyan. Ni hindi ko nga batid na mangyayari ito," wika ng tuso na si Bagari.

"Mga kawal, hanapin ang kuwintas ni Juan Pablo sa bawat gilid ng kaharian. Kami na sa mga kuwarto ng maharlika," wika ni Inang Amparo.

Hinalubog muna nila ang kuwarto ni Ilina. Inuna ng ina na hanapin ang kaniyang sisidlan. May tubig ito at pinalilibutan ng mga alupihang dagat.

"Ikaw pala ang kumuha mahal kong prinsesa," wika ni Inang Amparo.

"Ano iyan Ina, hindi ko alam iyan. Patawad kung ako man ang may sala, ngunit hindi ko alam na may tubig at may alupihang dagat diyan," nagmamakaawang sinabi ni Ilina.

"Iisa lang ang gumawa nito. Bagari, pinagtataksilan mo ba ang kapatid mo? Ilang beses ko bang sasabihing hindi ka karapat-dapat sa trono ng iyong ama?" wika ni Inang Amparo kay Bagari.

Mula pa noon ay malayu-layo na rin ang loob ni Amparo kay Bagari at gayun din si Bagari. Nang-init na ang dugo ni Bagari sa kaniya kaya't sinagot niya ito.

"Oo, ako ang may pakana. Bakit, tututol ka ba rito? Gusto ko ng pagmamahal niyo, ngunit hindi niyo binibigay. Gusto ko kayo ni Itay ang nagmamahal sa akin, hindi siya lang ang nakatuon sa akin," sinabi ng sakim na prinsipe.

"Tatandaan mo ito Inay, hindi pa ako tapos sa pagpapahirap kay Ilina. Hangga't bakas pa sa dagat ang presensya ko, tatandaan niyong hindi ko kayo titigilan. Ikaw din Juan Pablo. Humanda kayong lumilihis sa karapatan kong mamuno, humanda kayo, dahil ako ang mamumuno ng kahariang ito," dinugtungan niya ang kaniyang sinabi.

Umalis si Bagari at kumulong sa kuwarto sa matinding galit niya sa mag-ina at kay Juan Pablo. Mula noon ay binalot na siya ng poot.

Naghahanda na naman siya ng paghihiganti niya.

0 comments:

Post a Comment