Tuesday, May 8, 2012

Akdain: Ang Ikalimang Balahibo ni Anopiles


Episode 4: Ang Mata ng Pugita

Sinisid niya ang gitnang karagatan at sinisid ang ilalim nito. Napapansin niyang naliligaw na siya, kaya nama't tumawag siya ng isang sirena.

"Sirena, pupuwede ko bang malaman ang kinaroroonan ng Pugita?" tanong ni Bagari.

"Nandoon siya sa ipu-ipong iyon. Hindi mo siya malalapitan sa loob ng ipu-ipo hangga't hindi mo ginagawa ang kaniyang pagsubok. Kadalasan raw ay maraming hindi na bumabalik sa karagatang mga yamang-dagat at sirena kung dumaraan sila sa Utak na Pugita. Ang pangalan niya ay Celebes. Siya si Celebes, ang tusong halimaw ng karagatan. Kung ako sa iyo lalayo na ako sa halimaw na iyan," wika ng sirena.

Hindi iniinda ni Bagari ang maaaring mangyari sa kaniya, kaya nama't pinuntahan niya ang ipu-ipo, malaman lamang kung sino ang Tatiana na sinasabi ng umalohokan.

"Celebes, lumitaw ka mula sa ipu-ipong iyan. Gagawin ko ang lahat upang ibigay mo lang ang sagot sa aking katanungan, Utak na Pugita," wika ng desperadong si Bagari.

"Talaga, ibibigay mo kahit anong gusto ko?" wika ni Celebes.

Si Celebes ay isang tusong nilalang. Alam niyang lahat ng gugustuhin niya ay makukuha niya sapagkat kinatatakutan siya ng lahat ng mga sirena at yamang-dagat. Itim ang kaniyang kasuotan at ang kaniyang mata. Binabalot ng itim ang kaniyang mata at kahit isang puting bahid sa kaniyang mata ay wala. Dahil dito ay nakikita niya ng mga kasagutan sa lahat ng katanungan.

"Oo, Celebes, makuha ko lamang ang kasagutan sa aking katanungan. At bakit ako gagawa ng pabor sa iyo. Ako ay si Bagari, ang prinsipe ng Edessa at ako ay biniyayaan ng kakayahang taglay ng dakilang tubig," wika ni Bagari.

Nagulat ang Utak na Pugita. Nagkatotoo ang kasulatang iniwan sa kaniya ng kaniyang inang pugita na may isang prinsipeng sisingil ng kasagutan upang gawing daan ito upang maghiganti. Ngunit kahit ano pa man ang itim ng kaniyang kabuuan, maputi pa rin ang kalooban nito, kaya't hindi siya papayag na mapasakanya ang kasagutan.

"Kailangan mong dukutin ang aking mata, ngunit sinusumpa ko muna sa buong karagatan na hindi niyo tutulungan ang nilalang na itong madukot ang aking mata," wika ni Celebes.

"Sige, kung iyon lamang ang paraan upang makuha ko ang kasagutan. Dudukutin ko na ang mga mata mo. Humanda ka!" wika ni Bagari ngunit bago niya magalaw ang ipu-ipo, pinigilan siya ni Celebes.

"Hindi iyan ang paraan ng pagtanggal ng aking mata. Ang tubig ay isang masunuring elemento. Kung gusto mong madukot ang aking mata, isasakripisyo mo ang iyong mata para sa akin. Sa oras na makain ko ang iyong mata, mapapasayo ang aking mga mata," wika ni Celebes.

"Ano, tatanggalin ko ang aking mga sariling mata? Sige, gagawin ko para lang ibigay mo ang sagot," wika ni Bagari.

Nasa ugat na siya sa pagtanggal ng kaniyang mga mata, ngunit pinigilan siya ni Celebes. Tumigil rin siya. Walang magagawa si Celebes kung hindi ibigay ang kaniyang mata sapagkat napasa niya ang pagsubok. Natuloy ang kasulatang ibinigay sa kaniya ng inang pugita at dinukot na niya ang kaniyang mata kahit masakit sa kaniya ito. Dumanak ang dugo sa kaniyang mga mata at ibinigay na niya ang kaniyang mata kay Bagari.

"Isang katanungan lamang ang puwedeng sagutin ng dalawa kong mga mata. Mag-isip ka sa gusto mong alamin. Lahat ng kaalaman ay kaya niyang sagutin. Isang natatanging tanong lamang ang sasagutin niyan," wika ni Celebes habang may nakabantay na pating sa kaniyang giliran. Kinain na ng mga pating si Celebes at namatay na. Nakuha na niya ang mata ni Celebes at umakyat na sa lupa.

Pumunta na siya sa kaniyang silid at pinakiramdaman ang mata ni Celebes.

"Mata, sino si Tatiana. Ipakita mo kung sino siya. Inuutusan kita, mahiwagang mata," wika nito sa itim na mata.

Pinakita ng mata ang isang matandang babae na may hawak-hawak na tungkod at hinahalo ang isang mainit na tubig. May nakikita itong imahe sa kaniyang palayok. Nagtataka ngayon si Bagari.

"Ito ba ang mangkukulam ng Pulangi?" wika nito sa mata.

Namuti ang mga mata at naging abo. Malapit na niya sanang malaman kung sino ang taong ito, ngunit hindi nila maintindihan sapagkat hindi niya alam kung sino talaga si Tatiana.

Makaraan ang isang buwan ay dumating na si Tatiana. Puti ang kaniyang mga mata at may dala itong tungkod. Mahaba ang kaniyang kasuotan na binabalot ng ginto. Niyakap ng hari si Tatiana at hinahanap niya ang kaniyang mga pamangkin. Tinawag naman ito ni Haring Balkan.

"Bagari, Ilina, Juan Pablo, lumabas kayo. Nandito na ang Tiyahing Tatiana niyo."

Pumunta silang tatlo at niyakap ang kanilang Tiya. Sabik na sabik silang makita ang kanilang Tiya sapagkat sa sulat lamang nila nakakausap ito.

"Ano naman ang dinala niyo rito, Tiya Tatiana," wika ni Juan Pablo.

"Patawad kung ginagambala ko kayo ngayon, ngunit nagkaroon ako ng masamang pangitain sa iyong ama. Mapapahamak raw ang kaniyang buhay. Kailangan ko siyang bigyan ng pangitain upang mailigtas siya," sinabi ni Tatiana.

"Ngunit bago iyon," dinugtungan ni Tatiana, "Nasaan ang inyong ina. Kailangan ko siyang makausap."

"Ako iyon, Tatiana. Nagagalak ako na makilala ka," wika ni Reyna Amparo.

Nagulat si Tatiana sa mukha niya dahil parang pamilyar sa kaniya. Nakita niya ito sa kaniyang pangitain ngunit hindi na niya maalala kung anong bahagi.

Inalalayan na si Tatiana ng kaniyang mga pamangkin. Habang kumakain ay napag-usapan nila Amparo at Balkan ang magiging tagapagmana ng trono.

"Alam mo ba, Tatiana, ang magiging tagapagmana sa hinaharap ng trono ni Balkan ay si Ilina. Kung tutuusin ay wala namang dapat maging iba pang pinuno kung hindi si Ilina lamang," wika ni Amparo.

"Hindi ako papayag diyan, Inang Amparo. Kahit kailan ay ako lamang ang magiging pinuno ng lugar na ito. Hindi ako papayag na panghimasukan niyo ang tadhana ko," wika ni Bagari.

"Sa ginagawa mo anak ay mas pinakikita mo na hindi ka karapat-dapat. Alam mo ba na ang ginagawa mo ay hindi gawain ng isang pinuno?" wika ni Haring Balkan.

"Sige, magkampihan kayo, mga wala kayong awa! Ako ang dapat maging pinuno ngunit sino ang pinipilit niyo, si Ilina na lang lagi, si Ilina, Ilina, Ilina! Hindi ko kayo patatahimikin hangga't hindi ako magiging pinuno!" wika ni Bagari habang ninanakaw ang tungkod ni Tatiana na alam niyang makapangyarihan dahil umiilaw ito.

Tinapat niya ang tungkod ni Tatiana sa kaniyang ama at ina at nahimatay ang mga ito. Kasama sa pagkahimatay ng kanilang ama at ina ang pagkawala ng pulseras na may limang balahibo. Itinapon pabalik ni Bagari ang tungkod ni Tatiana at lumayas na sa Edessa ang suwail na prinsipe.

 - - - - - - - - - -
Episode 4: Ang Limang Ay' Dhar

Binuhat ni Juan Pablo at ng mga kawal ang hari at reyna at saka nilagay ito sa kanilang silid. Sinusubukan itong pagisingin ni Tatiana ngunit nabigo ito.

"Pamangkin, dalhan mo ako ng langis at tubig. Kailangan kong malaman kung ano ang makapagpapagaling sa iyong mga magulang," wika ni Tatiana.

Kumuha si Juan Pablo ng langis at kinuha naman ni Ilina ang tubig. Nadalian sila sapagkat mayroong nakaimbak sa lungga ng mga tagasilbi. Inabot na nila ito kay Tatiana.

"Salamat sa tulong niyo, mga pamangkin," wika ni Tatiana.

"Makapangyarihang tubig at langis," wika ni Tatiana. "Ipakita mo sa akin ang makapagpapagaling sa mahal na hari at mahal na reyna ng Edessa."

Malabo ang nakikita niya sapagkat isang lilang balahibo lamang ang nakikita niya kasama ang isang diwatang magaling umawit. Sinara na niya ang kapangyarihan at saka sinabi ang nakita sa mga anak ni Balkan at Amparo.

"Mga pamangkin ko, ang makapagpapagaling lamang ng inyong ina ay ang Ay' Dhar na nagngangalang Anopiles. Siya ang may hawak ng lilang balahibo. Siya ang pinakamagaling kumanta sa lahat ng mga Ay' Dhar. Ito ang panglimang balahibo sa dakilang pulseras. Itong pulseras na ito ay may limang balahibong pinalilibutan ng itim na perlas," wika ni Tatiana.

"Iyon ang pulseras ni Ina. Ngunit bakit nawala iyon?" wika ni Ilina kay Tatiana.

Samantala, nag-aalala ang mga Ay' Dhar. Ngunit may isang Ay' Dhar na tumawag ng kanilang pansin. Hindi nila ito kasama. Naisip nila na baka si Anopiles iyon.

"Anopiles?" wika ng isang Ay' Dhar na nagngangalang Neptuna. Si Neptuna ay may puting buhok at may bughaw na mata. Siya ay ang may-ari ng  puting balahibo sa kuwintas ni Anopiles na nagtataglay ng mahiwagang puting perlas.

"Kamusta na ang pagpapanggap mo Anopiles, bakit bumalik ka?" wika ni Atalla, ang Ay' Dhar na may itim na buhok at bulag. May kakayahan itong makakita gamit ang isip.

"Bumalik ako dahil napaslang ng tungkod ni Tatiana ang aking katawan. Ang nag-iisang paraan upang malunasan ang aking katawan ay ang paghahanap sa aking balahibo. Dapat ko nang iwanan ang ikalimang balahibo sa kanila," wika ni Anopiles.

Matagal nilihim ni Amparo na siya ay isang Ay' Dhar, isang engkantada. Ang mukha niya bilang tao ay kawangis ng kaniyang itsura sa pagiging Ay' Dhar. Humaba lamang nng kakaunti ang kaniyang taynga at humaba lang at kumulot ng kakaunti ang kaniyang buhok. Naging lila ang kaniyang kasuotan gayun din ang kaniyang mga mata. May suot siya na korona na nagpapahiwatig ng kaniyang pamumuno sa mga Ay' Dhar.

"Padalos-dalos kasi ang isipan mo, mahal na pinuno ng limang Ay' Dhar. Hindi naman sa nagmamalaki ngunit bakit niyo pa ba kinuha ang mga balahibo namin. Hindi namin lubos na maunawaan at gusto mo rin maging tao," wika ni Heres, ang Ay' Dhar ng dakilang hangin. Ang buhok niya ay gintuin, at ang kaniyang damit ay gawa sa balahibo ng ibon na may iba't ibang kulay.

"Ito lamang ang tanging paraan upang makasama ko si Balkan. Sinumpa tayong mga Ay' Dhar na hindi makita ng mga ordinaryong nilalang. Ngunit umigting ang pag-ibig ko sa kaniya. Kaya naman humingi ako ng tulong sa mahal na tagalikha, at binigay niya ang paraan kung paano makukuha ang katauhang gusto ko. Ibibigay ko ang limang balahibo upang gawing kuwintas at kasama ko na ito habambuhay. Ngunit may isa pa itong kapalit," wika ni Anopiles.

"Ano naman iyon kasanib na Anopiles," wika ni Massudah. Si Massudah ay ang Ay' Dhar ng dakilang liwanag. Taglay niya ang kahel na balahibo at kahel ang diamante sa kaniyang noo. Ito ay may makapangyarihang apoy na umaalab.

"Kailangan nating maging pagsubok sa aking mga anak at kailangan nating bigkasin ang Ago Data, ang kanta ng pagsubok ng Diyos," wika ni Anopiles.

"Gagawin natin iyon sa ating templo, sa kabilugan ng buwan. Dapat ay maisagawa natin ito pagkagabi. Sigurado ako na kabilugan ng buwan iyon," dugtong niya.

"Ano na lang kung ibigay mo na lang ang natatangi mong balahibo sa iyong anak. Pupuwede mo naman silang mahawakan kahit hindi ka nila makita. Ibigay mo na lang para tapos na ang gulo," wika ni Massudah.

"Hindi maaari, mahal kong kasanib. Pag hindi naawit ang Ago Data, magiging abo tayong lahat bilang kaparusahan sa ating kalapastanganan," wika ni Anopiles.

Hinintay na lamang ng limang Ay' Dhar ang paggabi. Aawitin na nila ang Ago Data, ang awit ng pagsubok.

0 comments:

Post a Comment