Sunday, June 12, 2011

Pilipino tayo!

May tinatanong sa Filipino, Social Studies o HeKaSi na hindi tinatanong sa English. May tinatanong sa Filipino at Social Studies na hindi rin tinatanong sa Science, o sa Math, o sa kahit anumang asignaturang hindi tagalog.

Ano ba ang pagkakaintindi mo sa Filipino?
Ano ba ang Filipino? 
Ito ang mga tanong na nagkukuwestyon sa ating pagiging Pilipino. Alam na siguro natin ang masasagot
sa mga katanungang ito dahil Pilipino tayo, at dapat alam natin ang mga ito.

Tama ngang oo, may pagkakakilanlan na tayo, o soberaniya sa ibang salita. May bansa na tayong sinisilangan, at mayroon na tayong kalayaan, ngunit ang tanong, mayroon ba tayong kaisipang Pilipino?

Marami nang palabas, o produktong inaangkat mula sa ibang bansa na mas tinatangkilik natin kaysa sa sariling atin. Maging ako ay gumagamit rin ng sinasabing 'imported' na bagay, kaya parang nababawasan rin kahit papaano ang aking pagkapilipino sa gayon.

Ang mga gawaing ganoon natin ay isa lang sa mga nagsasabing hindi natin minamahal ang ating Inang Bayan. Sana magawa nating tangkilikin ang Marikina Shoes kaysa sa Nike o Adidas na kailangan pang bilhin sa ibang bansa at paggastusan ng kamahalan. Sana magawa nating bisitahin ang Palawan kaysa pumunta pa ng ibang panig ng mundo para makita lamang ang mga tanawin ng ibang bansa. Sana magawa rin nating tumikim ng dried mango kaysa bumili pa ng imported na 'gummy candy' na wala naman kung tutuusing pagkakaiba.

Sana... Sana... Puro na lang sana. At sana magawa rin natin ito dahil Pilipino tayo, at dapat na wala tayong paghihirap sa paggawa ng mga ito. Ating mga produkto ay tangkilikin, at sabi nga sa DOT ad:

"Huwag maging dayuhan sa sariling bayan."
Sinabi pa naman iyon ni Francis Magalona, na sa aking pagkakaalam na isang Bosconian din. Kaya mga Bosconian, o kahit hindi man, mga Pilipino, halina't maging Pilipino rin tayo sa isip, sa puso at sa gawa. :)

0 comments:

Post a Comment